Wednesday, July 1, 2009
TULA PARA KAY NANAY KO...
NANAY
Minsan may isang Nanay,
Na sa akin ay umakay,
Nagturo siya at isip ko’y pinanday,
Minahal nya ako ng walang kapantay.
Mga kamay nya ay walang katulad,
Maalaga’t maingat bawat dampi ng palad,
Sa pagaaruga sa akin mula pagkabata,
Hirap at pagod di nya inalintana.
Nakasasabik ang mga sandali,
Parang kailan lang kamiy magkatabi,
Sa aking bisig siyay nakahilig at nagsabi,
Mahal daw nya ako at iyo’y di mapapawi.
Ngunit panaho’y kay bilis na lumipas,
Kay hirap pigilin ng bawat oras.
Masasayang sandali sa ami’y kumupas,
Ang dahon ng kahapon ay tuluyang nalagas.
Pusot isipan ay walang nagawa,
Pilit na nagmamakaawa sa Lumikha,
Si Nanay sana’y ipahiram pa NIYA,
Bigyan ng bagong lakas at sigla.
Subalit takdang oras ay dumating na,
Naisin ma’y di na mahahadlangan pa.
Kailangan ng ibalik sa ating AMA,
Ang buhay na hiram sa KANYA.
Panahon na upang siya’y umalis,
Sa mundong puno ng pagtitiis,
Tapos na ang bawat pagtangis,
Sa sakit niyang dinanas na walang kaparis.
Mahirap mang sa ami’y tanggapin,
Subalit dapat na kayanin,
At buong puso siya’y ihain,
Sa Panginoong Diyos na maawain.
Mapagpalang kamay ng LUMIKHA,
Ang sa kanya’y, mag-aaruga,
Doon siya’y walang pangamba,
Mapupuno pa ng galak at tuwa.
Malayo man ang Nanay sa amin,
Alam kong siya’y kasama sa bawat panalangin,
At kung sakali mang sa kanya ako’y masabik,
Masasayang sandali aking aalalahanin.
Babalikan sa aking diwa’t isipan,
Na minsan may isang Nanay akong kaagapay,
Kasama sa lungkot at saya ng buhay,
Nagmahal at nagparayang tunay.
By: tokneneng
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comment:
i remember my mom...:(
Post a Comment