Wednesday, July 1, 2009
PAGBANGON
PAGBANGON
By:tokneneng
Linggo ng hapon noon ng dalawin ko si Nanay, kasalukuyan siyang naghihirap sa sakit niya. Ayoko sanang makita kung paano siya igupo ng kanyang karamdaman, subalit hindi naman siya mawala sa gunita ko at hindi ko mapigilang umuwi sa aming nayon upang makita siya kahit ilang oras lang. Talaga namang napakasakit pala na makitang naghihirap ang iyong ina, wala naman akong magawa upang tulungan siya. Sa tuwing dadaing si Nanay para bang sasabog ang dibdib ko sa halo-halong emosyong nararamdaman ko. Guilt sa aking sarili dahil hindi ko magawang ipagtapat kay Nanay ang tunay na sitwasyon niya,na mayroon siyang sakit na kanser at binibilang na lang ang oras niya. Poot, dahil sa milyon-milyong pamilya sa mundo kung bakit sa Nanay ko pa dumapo ang walang awang sakit na iyon…. Takot, dahil baka isang araw sa sobrang kirot na nararamdaman ni Nanay ay bigla siyang sumuko, at kawalan ng pag-asa, dahil halos araw-araw nalang ay ipinagdarasal kong gumaling sya subalit pakiramdam ko, hindi manlang naririnig ang mga dasal ko.Sa tingin ko’y patuloy na nagiging hapis ang mukha ni Nanay sa paglipas ng panahon. Oo ngat kapag binibisita ko siya ay nakukuha pa niyang ngumiti subalit halata ko namang sa likod ng mga ngiting iyon ay may nagkukubling kirot…Kirot na tila dumudurog sa bawat himaymay ng kanyang laman. Ang dami-dami naming problema, para bang hindi ko na kaya kapag inisip kong lahat. Si tatay pinahihirapan din ng sakit niyang Diabetis, ang kapatid kong lalaki puso naman ang pinupuntirya sa kanya….. Ang hirap!, nakakapagod, nakakasawa, nakakaupos.
Malapit na sanang tumulo ang luha ko nuong oras na iyon ngunit muling sumigla ako ng lumapit sa akin ang noon ay magdadalawang taong gulang kong pamangkin. Kalikutan niya, kapilyuhan at sobrang interesado siya sa mga bagay-bagay. Tangan niya ang lapis at papel. Mommy, Mommy ang buong kasabikang sabi niya sa akin sabay pakita ng tangan niya, turuan ko daw siyang magsulat, iyon ang pagkakaintindi ko sa pabulol niyang pagsasalita. Nabuhay muli ang loob ko, at buong giliw ko siyang pinagmasdan. Nakita ko sa mga mata nya ang buong pagtitiwala nya sa aking kakayanan. Hinawakan ko ang maliit niyang kamay at pinatanganan ko ang lapis habang ginagabayan ko siya sa pagguhit ng mga bilog at haba, hanggang mag-isa nalang siya sa kanyang ginagawa at ng magsawa na ay nilukot-lukot ang papel at ibinigay sa akin. Hindi ko inaasahang ang papel palang iyon ang muling bubuhay sa pananalig ko sa Diyos na sa kasalukuyan ay unti-unting humihina… Isang sanaysay sa wikang Ingles pala ang nakasulat doon. Ito ang buod ng nilalaman ng binasa ko: May isang lalaking nakapulot ng COCOON habang siya ay naglalakad, inuwi niya ito sa kanyang bahay upang hintaying lumabas ang doon ay nakalimlim na paru-paro. Sa paglipas ng araw, napagmasdan ng lalaki na nagkaroon ng maliit na butas ang cocoon at nakita niyang lubhang nahihirapan ang paru-paro sa paglabas. Sa awa ng lalaki kumuha siya ng gunting at ginupit nya ang maliit na butas ng sa gayon ay madaling makaalpas ang munting paru-paro. At tulad nga ng kanyang inaasahan, anong dali nitong nakalabas, subalit ganun nalang ang kanyang pagtataka dahil ayaw igalaw ng paru-paro ang kanyang pak-pak. Mukhang nahihirapan ito at nananamlay. Inisip ng lalaki na isang araw ay lalakas din ito at magkakasigla, ngunit hindi iyon ang nangyari, Sa halip ang paru-paro ay tuluyan ng di nakalipad, gumapang siya habang buhay. Laking lungkot ng lalaking iyon ng malaman niya ang tunay na dahilan kung bakit tila nalumpo ang paru-paro. Ito pala ay dahil sa ginawa niyang paggupit sa butas ng cocoon upang madaling makaalpas ang nasa loob nito.,dapat daw palang pagdaanan ng paru-paro ang hirap sa paglabas sa maliit na butas upang mailabas ng kanyang katawan ang natatanging katas na siyang makapagbibigay sa kanya ng kakayahang maigalaw ang kanyang pak-pak. Hindi niya nailabas ang katas na iyon dahil sa ginawang pagtulong na lalake.Lubos ang kanyang pagsisisi sa kanyang ginawa. Siya na naawa at tumulong ang naging kapalit ay habambuhay na pagdurusa ng isang inosenteng nilalang.
Marahil ganito rin ang pinagdaraanan ng aming pamilya sa panahong ito. Siguro nga ay may sikretong dahilan ang lumikha kung bakit kailangan pang danasin namin ang ganitong klaseng paghihirap. Kung ano man ang dahilang iyon, natitiyak kong ito ay para sa ikapapanuto ng aming buhay. Akala lang siguro namin ay bingi siya sa aming dasal at di niya kami dinidinig pero sa kabila pala nito ay may plano siyang inilalaan para sa bawat isa sa amin.Magbuhat noong oras na iyon ay sinabi ko sa aking sarili na kailangan kong bumangon sa pagkakadapa at muling bubuhayin ko ang tila namatay kong pag-asa.Unti-unti ay pag-aaralan kong pagpahalagahan ang mga bagay na kaloob ng Lumikha. Pangit man ito o Maganda ay wala akong dapat na ikuwestiyon sa Panginoon sapagkat alam kong ang lahat ng nangyayari ay pawang kaloob Niya at may planong nakalaan.Isang planong may magandang kapupuntahan sapagkat buong ingat na pinagisipan at pinaghandaan. Kaya nga ganon nalang ang kaligayahan ko ng mabasa ko ang kathang iyon. Salamat sa pamangkin ko na ang palaging dulot sa amin ay tuwa. Hulog siya ng langit na syang nagdudulot sa amin ng ligayang walang kaparis.
Just Reminiscing….
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment