Bakit ang buhay parang isang pila na hindi mo alam ang patutunguhan…Isang paligsahan na kailangang may manalo. Para bang isang pakikipaglaban na sa huli ay palaging may talunan. Ganito nga kaya talaga?
Mahirap pero kailangang sumali walang katapusang pagmamadali, Walang tigil na pakikipagsabayan. Matira ang matibay maiwan ang mahina at maging talunan.Nakakalungkot isipin na sa kabila nito para bang kay-ilap parin ng kaligayahan. Sa kabila ng malulutong na halakhak ay di maikukubli ang sakit at kirot na umaalipin sa puso ng isang inang iniwanan….Nasaan nga ba ang kaligayahan? Natatanaw ba ng Panginoon mula sa kalangitan ang damdamin kong nagkukubli sa masaya at masigla kong mga tinig? Nahihinuha ba sa kalayuan ang isipang pagal na tila unti-unting pinapaso ng masasakit na ala-ala ng kahapong pilit tinatalikuran? Ano nga ba ang naghihintay sa aking paglalayag?
Masakit ngunit pinilit kong ibaon na lang sa limot ang anghel na sana ay sa akin…Walang nagawa ang mga luhang dumaloy sa aking mga mata,walang naging tugon ang mga piping dasal na ibinubulong sa Panginoon, kundi ang manikluhod at umasang magkikita pagdating ng panahon…
Limang buwan ko ding iningatan sa aking sinapupunan ang bunga ng aming pagmamahalan.Inalagaan,hinimas-himas at palagi ng minamasdan ang tiyan kong naging kanyang tahanan. Sa bawat buwan ay unti-unting bumibilog na nagdulot ng galak sa mga puso naming sa kanya’y nag-aabang. Wala akong ibang pinangarap kundi ang dumating ang tamang oras na siya ay masilayan ng harapan, Maipaghele sa aking bisig at mahagkan. Hindi ko inalintana ang mga hilo at pagsusuka na dulot ng aking pagdadala sa kanya. Sa halip, itinuring ko itong isang napakagandang bahagi ng paglalakbay sa aking buhay. Natutunan kong bumuo ng isang pangarap na sa kauna-unahang pagkakataon ay hindi ako ang sentro nito, Isang pangarap na itinuring kong pinakadakilang bagay na pinaplano ko para sa isang nilalang na nuon ay nasa tiyan ko pa lamang. Balak ko sanang tumigil sa pamamasukan at ituon ang panahon ko sa aming magiging panganay. Gusto kong ako ang gumawa ng lahat ng bagay para sa kanya, Gusto kong maging bahagi ako ng bawat detalye ng paglaki niya at magiging kaligayahan ko kung siya ay mapagsisilbihan ko ng lubusan…Nicko ang binuo naming pangalan para sa kanya. Iyon nga ang tawag ko sa kanya sa tuwing kakausapin ko siya sa aking tiyan. Hindi ako nainip sa paghihintay ngunit isang araw na lang sa aking pagkabigla, Inagaw ng pagkakataon ang aming mga pangarap…Isang madaling araw habang natutulog ang lahat ako nama’y walang tigil sa pag-iyak at pagdarasal na sana’y huwag kunin sa akin ang aking anak, subalit anomang pagpipigil ko, walang sawa sa pagpatak ang mga dugo na buong ingat kong inaalagaan, Walang nagawa ang mga duktor ,hindi naisalba ang aking si Nicko. Sa isang iglap lang ay nawalang parang bula ang pinakamimithi naming pangarap.Inilagay ko siya sa pedestal ng aking puso, Ngunit sadyang napakalupit ng tadhana hindi manlang ipinaubaya ang dakila naming hangarin…Inagaw ng lupa ang aming anghel…Kay-dami naman sanang babae riyan na ayaw pang magkaanak ngunit ako na handang magsakripisyo ng lahat-lahat bakit hindi ako pinakinggan? Ano pa ba ang kulang?
Minsan pa ay pinagsumikapan kong buuin ang nadurog kong pananalig. Pilit binuo ang noon ay nagupo kong pag-asa , Akala ko’y kasama ng natabunan ng lupa sa piling ng aking si Nicko ang aking mga pangarap. Ayoko na sanang lumaban,Ayoko ng umasa,Ngunit kaybait ng pagkakataon. Sa paglipas ng panahon kasama ring nalimot nito ang masasakit na ala-ala ng kahapon. Salamat sa nagpabago ng aking pananaw,Mga kaibigan,kamag-anak at kakilala na walang sawang umunawa at nagpapaalala sa ganda at kulay ng buhay. Subalit sugat man ay may naiiwang pilat na nagkukubli sa kailaliman ng damdamin na hanggang sa ngayon ay di mabura ng panahon. Sa tuwing mauulinig ang tinig ng sanggol ay may dumadagok sa aking dib-dib na tila nagpapaalab sa aking pagnanasa na sana’y ako ang may kalong sa batang buong ingat na yakap ng kanyang ina...Ano nga kaya ang pakiramdam kung ako ang nasa kanyang posisyon? Kailan kaya dadaluyan ng gatas ang aking mga dib-dib na nasasabik magbigay buhay sa anghel na kay-ilap? Kailan kaya aabot sa langit ang mga dasal kong paulit-ulit…Kailan kaya ako’y KANYANG diringgin? Ahhh, Kayraming tanong,kayraming bakit…
Sa patuloy na paglipas ng panahon, Isa lamang ang sa twina’y sandata ng aking pagkalungkot at pangungulila…Kung ang buhay man ay isang karera at pakikipagpaligsahan,maaring may mauna at kung may mahuli man tyak na makararating din sa nais na patunguhan kung patuloy na mangangarap,aasa at magdarasal na isang araw ang mga wagas sa pusong dasal ay may tugong katumbas. Sa ngayon,Pipilitin kong punan ng masasayang ala-ala ng aking si Nicko ang malungkot kong mundo at mananalig na hindi natutulog ang MAY KAPAL sa dako pa roon…..
Sometimes in June 2008
By toknikel
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment